Nagbabala ang oposisyon partikular na si Senate Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros laban sa interes ng korporasyon at oligarkiya matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang negosyante at fishing tycoon na si Francisco Tiu-Laurel Jr. bilang bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Bagamat malugod na tinanggap ng Senadora ang desisyon ng Pangulo para italagang permanenteng DA chief si Laurel, hindi naiwasang banggitin ng Senadora ang sabi-sabi ng iba na posibleng magkaroon ng conflict of interest.
Ang bagong kalihim kasi ng DA na si Laurel ay tumatayong presidente ng Frabelle Fishing Corporation na itinatag noong 1966.
Ayon sa Senadora, kamakailan tumanggi ang commercial fishing fleets sa efforts ng DA para imonitor at iregulate ang kanilang mga operasyon. Kayat naniniwala ang Senadora na hindi dapat makompromiso ang commitment ng pamahalaan para sa seguridad sa pagkain at proteksyon ng kapaligiran para sa interes ng korporasyon at oligarkiya.
Dagdag pa ng Senadora na kanilang sisiyasating mabuti ang nasabing isyu sa oras na humarap sa Commission on Appointments si Agriculture Secretary Laurel at tatalakayin ang mga hinaing ng mga mangingisda at magsasaka.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III si Laurel ng constitutional requirement para sa pagkalas mula sa business interest ng mga miyembro ng mga gabinete ng pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Sec. Cheloy Garafil na base sa kalihim, nag-divest na si Laurel mula sa kaniyang mga negosyo.