Nakatakdang ilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang “Oplan Clean Rider” sticker sa darating na Miyerkules.
Kasabay nito ay tiniyak ni PNP Chief Oscar Albayalde na walang bayad ang mga sticker na ikakabit sa mga motorsiklo.
Panawagan ni Albayalde sa publiko na isumbong agad sa kanya kung may pulis o sinomang indibidwal na maniningil ng bayad para sa mga identification stickers na bahagi ng kampanya ng PNP kontra sa riding-in-tandem criminals.
Ang nasabing sticker na ikakabit sa mga motor ay magsisilbing palatandaan sa mga pulis na nagmamando ng checkpoint na nainspeksyon na ang isang motor at ang records ng may-ari ay na-input na sa data-base.
Nilinaw din ng PNP chief na ang paglalagay ng sticker ay hindi mandatory, kundi voluntary.
Aniya ang mga motorsiklo na walang sticker ay mas hihigpitan ng mga pulis sa mga checkpoint, habang ang mga may sticker ay isasailalim lang sa mabilis na online verification procedure.
Siniguro rin ni Albayalde na mahirap ipeke ang naturang sticker.
Mayroon kasi itong QR code kung saan naka-encode ang lahat ng ownership details ng motor na maaaring basahin sa pamamagitan ng isang cellphone app na available sa mga pulis na mag-iinspeksyon.