-- Advertisements --


Pinaalalahanan ng isang election lawyer ang publiko hinggil sa kanilang karapatan na huwag papasukin ang mga empleyado ng Comelec sa kanilang private property.

Ayon kay Atty Romulo Macalintal, maari ring kasuhan ang mga taong magpupumilit na pumasok sa isang private property.

Reaksyon ito ni Macalintal kasunod nang kontrobersyal na Operation Baklas ng Comelec, na base sa mga kumalat na videos sa social media ay pinagbabaklas ang mga campaign materials ng mga kandidato kahit sa private property naman nakakabit ang mga ito.

Aniya, maaring umakyat hanggang sa Korte Suprema ang sinumang apektado nang “arbitrary and unconstitutional” na Operation Baklas ng Comelec.

Maari rin aniyang gawin na lamang itong class suit ng mga apektadong residente upang sa gayon ay isahan na lamang ito kahit pa ang mga maghahain ay magkakaibang kandidato ang sinusuportahan.

Para kay Macalintal, ang dapat na ginawa ng Comelec ay sumulat sa mga private citizens na tanggalin ang mga campaign materials kung nakita nilang paglabag pala ito sa guidelines.

Kung hindi sumunod dito ang private party, saka pa lamang aniya maaring makapaghain ng kaso ang poll body.