LEGAZPI CITY – Limitado muna ang operasyon ng Sorsogon Provincial hospital matapos na umabot sa 31 na mga health workers ng ospital ang naging close contact ng isang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza ang tagapagsalita ni Gov. Chiz Escudero, isang pasyente umano sa nasabing ospital na ilang araw ng nagpapagamot ang nagpositibo sa nakakahawang sakit.
Dahil marami itong nakasalamuhang mga doktor, nurse at iba pang medical staff, kinailangang isailalim sa quarantine at swab test ang 31 health workers na lumabas na close contact nito.
Humihingi ng pag-unawa ang opisyal sa pagkaantala ng operasyon ng ospital, dahil malaki ang nabawas sa manpower ng pasilidad habang kailangan pang magsagawa ng disinfection at contact tracing.
Pinawi naman nito ang pangamba ng publiko lalo pa’t maari namang pumunta sa iba pang mga ospital sa lugar kagaya ng Donsol, Castilla, Gubat at Irosin District Hospital.