Nagpapatuloy ang operasyon ng mga tren ng MRT-3 ngayong Enhanced Community Quarantine (ECQ), kung saan mahigpit at istriktong ipinatutupad ang mga health and safety protocols sa buong linya para maiwasan ang transmission ng Covid-19 virus.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, pinamamahalaan ng mga platform at train marshal ang pagtitiyak na nasusunod ang physical,social distancing sa pagitan ng mga pasahero, at pagbabawal kumain, uminom, magsalita, at tumawag sa telepono habang nasa loob ng mga tren.
Tanging mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) lamang ang pinahihintulutang makasakay ng tren, na kinakailangang iprisinta ang alinman sa sumusunod na mga Identification Cards: Certificate of Employment (COE) at isang valid o government-issued ID; o Professional Regulation Commission (PRC) ID; o company ID; o vaccination schedule.
Ang mga APOR na makapagpapakita rin ng kanilang vaccination cards, para sa isa o dalawang doses man ng COVID-19 vaccine, ay makatatanggap ng libreng sakay.
Sa datos ng MRT-3 nasa kabuuang 41,868 mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na ang nakatanggap ng libreng sakay mula sa pamunuan ng MRT-3 kahapon, simula ng ipatupad ang ECQ nuong ika-6 ng Agosto 2021.
Magtatagal ang pagbibigay ng libreng sakay para sa mga APOR hanggang ika-20 ng Agosto 2021.
Ang inisyatibong ito ay direktiba ni DOTr Sec. Art Tugade upang hikayatin ang mga pasahero na magpabakuna at matulungan ang mga ito sa pagbiyahe sa panahon ng pandemya.
Pinapaalalahan ng pamunuan ng MRT-3 ang mga pasahero na palaging sundin ang mga nabanggit na health and safety protocols para sa pagpapanatili ng kanilang kalusugan at kaligtasan at pati na rin ng kanilang kapwa pasahero.
Batay sa daily operations report of August 8, 2021, ang DOTr MRT-3 ay nakapagsilbi na ng 36,334 pasahero at nakapagtala ng average number ng 18 running train sets at peak hours, kabilang dito ang 18 CKD train sets.
Wala naman naitalang unloading incident o nagka aberya ang operasyon ng tren.