-- Advertisements --

Apektado ngayon ang operasyon ng railway system sa bansa bunsod nang nagpapatuloy na COVID-19 test sa lahat ng kanilang mga tauhan.

Ayon kay Transport Sec. Arthur Tugade, hindi dapat makompromiso ang kalusugan, kaligtasan at seguridad ng mga mananakay at maging ng kanilang mga empleyado.

Sinabi ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na magiging limitado ang kanilang operasyon simula ngayong araw dahil 10 hanggang 12 tren lamang ang kanilang idi-dispatch.

Ang kapasidad ng mga tren na ito ay babawasan din sa 372 pasahero kada train set o 124 pasahero kada bagon para mapanatiling nasusunod ang predetermined number ng mga pasahero sa kada istasyon.

Samantala, ang LRT-2 line naman ay limang tren lamang sa kanilang limitadong operasyon ang idi-dispatch.

Ang mga pasaherong hindi makakasakay ay kukunin ng mga bus route 9 at 10.

Ang LRT-1 naman ay 17 trains lamang ang idi-dispatch, at ang mga apektadong pasahero ay kukunin ng mga bus na bumabaybay sa Route 17 o Monumento-EDSA.

Sa kabilang dako, inanunsyo naman ng Philippine National Railways na suspendido ang kanilang operasyon hanggang Abril 8, 2021.