Naglabas ng babala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng isang pekeng website na kahalintulad ng kanilang opisyal na “May Huli Ka” portal na may kinalaman sa No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon sa ahensya, isang mapanlinlang na site ang “May Huli Ba” na gawa umano ng mga scammer upang sirain ang layunin ng kanilang lehitimong platform. Sa pekeng website, hinihingi ang plate number ng sasakyan ngunit sa opisyal na site ng MMDA, kailangan din ang MV number para sa beripikasyon.
Ayon sa National Computer Emergency Response Team, ginagamit umano ang “May Huli Ba” sa mga phishing activities. Tiniyak naman ni MMDA Chairperson Atty. Don Artes na ligtas at protektado ang personal na impormasyon sa opisyal na website.