-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Nananatiling nakaalerto ang lahat ng tao kabilang na ang mga Pinoy sa mga pag-atake ng Iran.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Melly Jean Novilla sa Tel Aviv, Israel, sa bawat alingawngaw ng mga sirena sa buong Israel ay kaba at takot ang hatid nito sa kanila kung kaya’t mabilis silang pumapasok sa bomb shelter upang iligtas ang kanilang mga sarili at buong pamilya.

Ang mga ipinapalipad na missile ng Iran ay makakasira ng bahay sakaling hindi maintercept ng Iron dome ng Israel.

Makikita aniya ang mga sirang kabahayan at iba pang istruktura na tinamaan ng missile na sumira sa kanilang propyedad at kabuhayan.

Nabatid na ang pag-atake ay kabilang sa mga sunod-sunod na pag-atake mula sa Iran bilang sagot sa malawakang airstrikes ng Israel laban sa Iran.

Ang “Operation Rising Lion” ng Israel ay inilunsad na ang mga target ay ang pagpatay sa mga Iranian military leader at nuclear scientists, kasunod ang mga pag-atake sa nuclear facilities, missile sites, at iba pang istruktura.