-- Advertisements --

Nakatakdang magpatupad ng mas pinaikling operating hours ang LRT-1 ( Light Rail Transit) Line 1 sa bisperas ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Sa inilabas na abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), sa December 24 o Christmas Eve ay aalis ang tren mula sa Baclaran station dakong alas-8:00 ng gabi habang alas-8:15 ng gabi naman aalis ang tren mula Balintawak station.

Sa December 31 o ang New Year’s Eve, ay naka-schedule na umalis ang tren mula sa Baclaran station dakong alas-7:00 ng gabi habang alas-7:15 ng gabi naman ang alis ng tren mula sa Balintawak station.

Mas maaga ito kompara sa dating oras ng pag-alis nito ng alas-9:15 ng gabi tuwing regular weekends o holidays.

Magsisimula naman ang operasyon ng LRT-1 sa mga nasabing petsa ng alas-4:30 ng madaling araw.

Samantala, nilinaw ng pamunuan na mananatili ang operasyon ng tren sa December 25, December 30, at January 1 alinsunod pa rin sa schedule ng regular weekends/holiday.

Habang mananatili pa rin na pansamantalang suspendido ang operasyon sa Roosevelt Station upang magbigay daan sa isinasagawang Unified Grand Central Station na magko-connect sa mga istasyon ng LRT-1, MRT (Metro Rail Transit System)-3, at MRT-7. (Bombo Marlene Padiernos)