ILOILO CITY – Nilinaw ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas na mananatili pa rin bilang Department of Health Region 6 Director si Dr. Marlyn Convocar.
Ito ay kasunod ng twinning agreement na inilabas ni Undersecretary Abdullah Dumama Jr. kung saan itinalaga si Department of Health Central Visayas Director Jaime Bernadas bilang overseer sa COVID-19 Response sa Western Visayas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Office of the Presidential Assistant for the Visayas Anthony Gerard “Jonji” Gonzales, sinabi nito na tutulong lamang si Bernadas sa Western Visayas kung COVID-19 response ang pag-uusapan.
Ayon kay Gonzales, brotherhood aggreement lamang ang ipinalabas na twinning aggreement upang magtulungan ang Department of Health Western at Central Visayas.
Napag-alaman na dumating na sa Iloilo sina Bernadas at Gonzales kasama ang team ni Convocar upang makausap ang kinatawan ng lahat ng stakeholders para sa mabisang preventive measures laban sa nasabing virus.