
Inirekomenda ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na pansamantala munang ipatigil ang implementasyon ng online registration ng mga SIM card.
Ito ay matapos na lumabas sa kanilang isinagawang demonstration na nakakalusot ang mga picture ng cartoon character, at pekeng impormasyon at identity ang naturang registration.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission executive director Undersecretary Gilbert Cruz, suhestiyon nila sa mga taong bibili at magpaparehistro pa lamang ng kanilang SIM na huwag munang gamitin ang SIM registration dahil sa mga naturang isyu.
Aniya, sa panahon ng pansamantalang pagpapatigil sa implementasyon ng SIM registration ay maaaring magsagawa ng pagsasala ang mga telecommunications company sa registration ng kanilang mga subscribers.
Kaugnay nito ay hinimok din ng opisyal ang mga telco companies na magpatupad ng “physical o manual” check sa mga impormasyon ng mga registrants upang masugpo ang mga gumagamit ng dummy accounts.
Bukod dito ay inirekomenda rin ng naturang komisyon na maglabas ng department o executive order ang pamahalaan na nagpapahintulot sa mga telco na magkaroon ng reference mula sa mga ahensya ng gobyernong nag i-isyu ng identification cards upang mabigyan sila ng pagkakataon na mag cross checking kung kinakailangan.










