-- Advertisements --
image 385

Nangunguna ang Online Scams sa top 10 cybercrime cases na naitatala ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

Ito ay batay sa datus ng naturang police unit mula Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon.

Ayon kay PNP-ACG Director PBGen Sydney Sultan Hernia, patuloy ang pagtaas ng kaso na kanilang naitatala ukol sa ibat ibang uri ng cybercrime sa bansa.

Maliban sa online scam, mataas din aniya ang bilang ng iba pang cybercrimes, katulad ng Illegal Access, Computer Related Identity Theft, ATM/Credit Card Fraud, Threats, Data Interference, Anti-photo and Video Voyeurism, Computer Related Fraud, at Unjust Vexation.

Samantala, iniulat naman ng naturang police unit na nagawa na nilang maimbestigahan ang hanggang 16,297 kaso ng cybercrime sa buong bansa.

Sa kasaysayan ng Anti-Cybercrime unit, ito na ang itinuturing na record-breaking o pinakamarami.

Sa mga naisagawang operasyon, nakapagsilbi ang naturang police unit ng hanggang 19 na Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data

Maliban dito ay nakapagsagawa rin ito ng 214 arrest warrants; 140 entrapment operation, at nakapagbigay ng teknikal na tulong sa 24 na imbestigasyon ng ibang unit at ahensya.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 397 na indibidwal at pagkakaligtas ng 4,092 biktima.

Karamihan sa mga nailigtas ay mga biktima ng Human Trafficking.