LEGAZPI CITY – Viral o usap-usapan sa social media ang pambubulabog ng isang Philippine cobra sa online class ng mga estudyante sa Barangay Carorian Bato, Catanduanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Aldrin Domins Francisco, isa sa mga mag-aaral, nasa signalan sila o ang lugar kung saan may malakas na koneksyon ng internet para sa online class nang makita ang ahas na nakasiksik sa isang kahoy.
Dahil dito biglang nagkagulo ang mga estudyante at nagtakbuhan dahil sa takot.
Wala namang naiulat na natuklaw o nasaktan habang hinihintay na makaalis ang ahas para maipagtuloy ang klase.
Ayon kay Francisco, nasa bundok na ang tinatawag na signalan na nilalakad pa ng mga mag-aaral ng 15 hanggang 20 minuto para makasagap lang ng signal.
“Zero connectivity” kasi aniya ang kanilang barangay kung kaya kinakailangan talagang pumunta sa naturang lugar, hindi lamang ang mga estudyante kundi maging an mga may tatawagan sa malalayong lugar.
Panawagan naman ng mga estudyante na mapatayuan ng cell site sa barangay para hindi na mahirapan pang pumunta sa mga remote area para makasagap ng signal