Pormal nang inatasan ng House of Representatives si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na humarap sa susunod na pagdinig ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte upang isumite ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng Bise Presidente.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng rebelasyon sa pagdinig ng komite na umano’y tumaas ng mahigit 1,000 porsyento ang yaman ni Duterte sa loob ng ilang taon.
Nilagdaan nina House Committee on Justice chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, kasama si House Speaker Faustino Bojie Dy III, ang isang subpoena testificandum et duces tecum.
Inaatasan nito si Remulla na magdala ng certified true copies ng SALN ng Bise Presidente mula 2022 hanggang 2025, at mula 2007 hanggang 2013.
Pinaalalahanan din ng komite ang Ombudsman sa kanyang mga karapatan.
Ang pag-iisyu ng subpoena ay nag-ugat sa mosyon ni Manila Rep. Joel Chua na nakakuha ng 34 pabor na boto noong Marso 25. Ayon kay Chua, kailangan ito upang makakuha ng mahalagang ebidensya base sa naging letter-motion ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno.
Tanging si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang tumutol sa hakbang. Tinawag niya itong isang fishing expedition dahil wala umanong ultimate facts na nakasaad sa mga natitirang reklamo na direktang tumutukoy sa SALN ng Bise Presidente.
Subalit, binigyang-diin ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na mula sa P7.2 milyong net worth ni Duterte noong 2007 nang una itong pumasok sa gobyerno, lumobo ito sa P88.51 milyon noong 2024—isang pag-akyat na naitala bilang 1,120 porsyentong spike.
Sa kasalukuyan, dalawa sa orihinal na apat na impeachment complaint ang nananatiling buhay.
Nakasentro ang mga ito sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, panunuhol, at iba pang paglabag sa 1987 Konstitusyon.
















