-- Advertisements --

Nagbigay ng ‘ultimatum’ si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla kay House of Representatives Secretary General Cheloy Garafil ukol sa inilabas nitong kautusan.

Nag-isyu kasi ng ‘subpoena’ ang Office of the Ombudsman sa tanggapan ng kamara upang makakuha ng dokumentong kinakailangan sa imbestigasyon.

Partikular na layon at nais magkaroon ng tanod-bayan ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada Jr.

Kung kaya’t nagbigay ng babala si Ombudsman Remulla sa House Secretary General para himukin itong tuparin ang pagsunod sa direktiba nasasaad sa ipinadalang subpoena.

At kung hindi man, ayon sa kanya’y plano niya itong suspendihin mula sa kinauupuang posisyon at sinabi pang magkasubukan na aniya ng ‘legal system’ kung kinakailangan.

Binigyan ang opisina ni Sec. Gen. Garafil ng hanggang ngayong linggo upang ibigay ang hinihingi ng Ombudsman na dokumentong kinakailangan nito.

“At sa linggong ito pag’ hindi namin nakuha yung mga SALN na una naming hiningi ay sususpendihin ko po siya mula sa posisyon,” ani Ombudsman Jesus Remulla

“Magkasubukan na po ang ating legal system kung ito po ang kinakailangan,” dagdag pa ni Omb. Remulla.

Alinsunod ang pahayag matapos sabihin ni Ombudsman Remulla na hindi pinapansin ng opisina ng House Secretary General ang ‘subpoena’ inilabas nito.

Ngunit paglilinaw naman ni Sec-Gen. Garafil na ginagalang naman umano ng kanilang tanggapan ang opisina ng Office of the Ombudsman.

Wala raw itong intensyon na ipakita ang kawalang-galang o iwasan tugunan ang komunikasyon mula sa tanod-bayan.

Gayunpaman, sa kasalukuyan ay kinumpirma ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano na natanggap at naisilbi na sa naturang opisina ang inisyung ‘subpoena’.

Naniniwala ang Ombudsman na ang opisyal na nabanggit at nais masilip ang rekord ng SALN ay may mahalagang papel sa imbestigasyon kanilang isinasagawa.