Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na under control na ang sitwasyon ng oil spill mula sa lumubog na MT Tera Nova sa Bataan.
Sa pulong balitaan sa Office of Civil Defense na dinaluhan ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, sinabi ni Lt. Commander Michael Encina, na kasulukuyang nagpapatuloy ang fabrication ng capping bags para mapalitan na nila ng metal caps ang mga ginagamit pantakip sa mga valve ng lumubog na oil tanker.
Kinakailangan kase umano ng mas matibay na pantakip bago magsagawa ng Siphoning o bago pa man ang Ber months kung saan inaasahan ang pagpasok ng mga bagyo.
Ang fabrication ay magtatagal ng 7 days gayundin ang installation.
Bagama’t hamon sa PCG ang 100 feet na lalim ng barko, kung saan tumatagal lang ang divers nila sa ilalim ng dagat sa nasa 25 minuto, sinabi niyang nabawasan ang pagtagas ng langis, sa hanggang 1 liter kada oras kumpara noong naunang dalawang araw na nasa 2 gallons kada minuto ang nilalabas na langis ng naturang oil tanker.
Samantala, binigyang diin ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr., na dapat kasuhan ang may-ari ng MT teranova dahil hindi lamang ito health hazard kundi may psychological damage din sa mga residenteng apektado.
Ani Abalos, kinakailangang suriin ang protocols sa lugar para malaman kung bakit maraming lumulubog na barko. Kinakailangan din tingnan kung may problema o kakulangan ba sa manpower dito.
Kasunod nito, nagpaalala ang DOH sa residente, na habang patuloy pang sinusuri ang sample ng tubig sa mga lugar na apektado ng oil spill, maging maingat umano ang publiko sa mga iniinom na tubig.
Ayon kay Usec. Gloria Balboa ng Department of Health, nakatanggap sila ng mga ulat na may ilang residenteng may kaso ng ubo, skin diseases sa mga apektadong lugar pero hanggang ngayon ay kinukumpirma pa nila kung may kinalaman ba ito sa tumagas na langis.
Dagdag pa ni Balboa, iwasang lumapit sa lugar na may kontaminadong tubig, dahil ang paglanghap nito ay maaaring magresulta sa skin diseases, pagkahilo, pagbilis ng heart rate, pagsakit ng tiyan at pagsusuka.