Aminado ang talent manager na si Ogie Diaz na hindi niya inakalang makakaladkad ang kaniyang pangalan, bilang “sample” sa isyung kahit bading ay maaari ring makagawa ng sexual act at makabuntis sa isang babae.

Ang pahayag ni Ogie ay inilabas nito, makaraang maging sentro ng debate sa social media ang dahilan ng mga roommate ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera, na hindi raw nilang magagawang ma-rape ang dalaga dahil mga bading sila.

Kwento ng komedyante, kahit walang dudang siya ay bading, kapag nasa kama na raw sila ng kaniyang misis, ibang usapan na ito at nagiging tila “straight barako” na siya.

Malinaw aniyang patunay ang nabuo nilang limang anak, kung saan hindi raw siya uminom ng alak at hindi rin napilitan sa kanilang ginawa.

Pero payo nito sa pulisya, sa halip na gamiting sample ang kaniyang sitwasyon, galingan na lang daw sana ng mga imbestigador ang pag-alam ng katotohanan, para maging malinaw ang nangyari sa namatay na PAL flight attendant na si Dacera.