-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nais ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na magkaroon ng de kalidad na public service at nagagamit nang tama ang pondo para sa mga OFW.

Inihayag ni Bombo International news Correspondent Robertson Lao, OFW sa Italy na sang-ayon siya sa pahayag ni Vice President Leni Robedo sa presidential debate kagabi na dapat magtalaga ang pamahalaan ng mga competent na ambassador at POLO officer sa mga bansang maraming OFW’s para maisulong ang kanilang kapakanan at karapatan.

Ayon kay Ginoong Lao, dapat inaalis na ang ibang proseso sa pagbibigay ng tulong sa mga OFW na nagagamit sa corruption.

Nais nila ng mahusay na serbisyo ng mga ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa serbisyo para sa mga OFW’s tulad ng pag-renew ng pasaporte ng mga OFW sa mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa.

Umaasa sila na matutupad ang panukala ng isang kandidato sa pagka-pangulo na mabigyan ng livelihood ang mga OFW na uuwi sa bansa dahil sa problema sa pinaglilingkurang amo.