Umaapela ang grupo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong sa Philippine Consulate sa naturang bansa na tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa harap nang pagsirit ng mga COVID-19 cases doon.
Ayon kay Migrante-Hong Kong chairperson Dolores Balladares-Pelaez hirap silang makipag-ugnayan sa Philippine Consulate sa harap ng kasalukuang sitwasyon sa bansa.
Sinabi ni Ballandares-Pelaez na yung una nilang inilapit na COVID-19 positive na OFWs ay inabot ng 10 hanggang 11 oras bago pa man sila na-rescue sa labas ng ospital kung saan ito dinala.

Iginiit niya na wala pala talagang designated na ospital sa mga migrant workers sa Hong Kong.
Kaya naman apela nila sa Philippine Consulate sa naturang bansa na mag-provide ng designated facilities para sa COVID-19 positive na mga pasyente.
Makakatulong din para mapanatag din ang kanilang isip kung mabilis din ang pagsagot sa kanilang mga tawag.
Iginiit niya na sa ngayon hindi maganda ang sitwasyon sa Hong Kong dahil araw-araw tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa Omicron coronavirus variant.