DAVAO CITY – Muling nakapanayam ng Bombo Radyo Davao ang kababayan natin na kasalukuyang nananatili ngayon sa bansang Croatia na si Xersis Ravarra.
Kung maalala, ekslusibong isinalaysay nito sa Bombo Radyo Davao ang kanyang karanasan kung saan ilang buwan na itong naninirahan sa nasabing bansa dahil sa nabiktima ito ng illegal recruiting.
Sinabi ni Xersis na naka-usap na niya ang embahada ng Pilipinas upang ipaabot ang kanilang problema kasama ang iba pang stranded na mga overseas workers mula sa Qatar.
Napaabot na rin ng Bombo Radyo Davao ang nasabing problema sa kakatayo lamang na Department of Migrant Workers.
Plano ngayon ni Xersis na manirahan at magtrabaho na lamang sa Pilipinas kung sakaling makakita man ito ng oportunidad.
Sa kasalukuyan, wala pang pinagkakakitaan si Xersis dahil sa kawalan ng trabaho at hanapbuhay.
Ngunit, may iilan na umanong tumutulong sa kanya at sa kanyang mga kasamahan sa pamamagitan ng financial assistance para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Naging mechanical engineer si Xersis sa bansang Qatar bago ito na-stranded sa Croatia sa loob ng ilang buwan matapos mabiktima ng illegal recruiter ng kapwa kababayan lang din.
Kasalukuyang inaasan na ang magiging aksyon ng bagong ❓ ahensya sa pamamagitan ng bagong kalihim na si Susan Ople upang matulungan ang ating kababayan na makauwi dito sa bansa.