-- Advertisements --
image 39

Matapos ang isinagawang pagsisiyasat sa mga pangunahing bus terminal, pantalan, at paliparan sa Metro Manila ay sunod namang inispeksyon ng Philippine National Police ang mga simbahan at iba pang mga areas of convergence sa rehiyon.

Ito ay sa gitna pa rin nang nagpapatuloy na paggunita ngayon ng Semana Santa.

Ngayong araw ay isinagawa ng Philippine National Police ang aktibidad nito na tinatawag na “Bisikleta Iglesia” sa pangunguna ni PNP-OIC at Deputy Chief for Administration PLTGEN Rhodel Sermonia kasama si National Capital Region Police Office chief PMGEN Edgar Alan Okubo at mga police district directors sa rehiyon.

Ayon kay LTGEN Sermonia, ang aktibidad na ito ay bahagi ng layunin ng Pambansang Pulisya na tutukan ang pagpapatrolya at gayundin ang magpakita ng mas matinding police presence sa publiko para sa pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad ng taumbayan upang tiyakin ang isang payapang paggunita ng Mahal na Araw.

Kabilang sa mga simbahang binisita ng mga otoridad sa Metro Manila ay ang Minor Basilica of Black Nazarene, Manila Cathedral, Malate Catholic Church, at ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help.

Ito ay simultaneous na isinagawa ng kapulisan sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas at magpapatuloy ito hanggang sa pagtatapos ng panahon ng Semana Santa.

“Para mas ma-ensure po natin na talagang nakalatag yung mga plano para sa security and public safety ay umiikot ang ating commanders sa iba’t-ibang lugar.” ani PNP-OIC PLTGEN Rhodel Sermonia.

“Pinuntahan po natin yung mga terminals, seaports, airports, at of course yung mga simbahan natin na kung saan nandoon ang ating mga kababayan para magnilay-nilay ngayong Semana Santa.”

Ang paraang ito ng pagpapatrolya at pagsisiyasat ng kapulisan gamit ang bisikleta ay usa sa mga strategic anti-criminality programs ng Philippine National Police na nagpapahintulot sa kanila na maabot ang mga masisikip na lugar na mahirap mapuntahan ng mga patrol cars.

Bukod sa pagtutok sa seguridad ng taumbayan ay sinabi rin ni Sermonia na ito ay nagsisilbi ring Bisita Iglesia para sa mga miyembro ng kapulisang boluntaryong nakiisa rito.

Samantala, kaugnay nito ay mayroon ding mga nakatalagang police assistance desks sa mga simbahan para sa agarang pagresponde kung kinakailangan.