-- Advertisements --

Nagpasalamat si Vice President Leni Robredo sa Department of Education (DepEd) matapos i-urong sa Oktubre ang pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021.

Isa si Robredo sa mga opisyal na naging maingay sa panawagang huwag buksan ang klase sa August 24 hangga’t hindi nasisiguradong handa na ang buong sektor, mga magulang at estudyante sa “new normal” ng edukasyon.

“Kaya nagpapasalamat tayo na nagdesisyon din iyong DepEd na i-postpone iyong opening kasi maraming mga teacher groups ang nag-a-appeal. Karamihan dito public schools,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Nitong buwan nang magpadala ng liham ang pangalawang pangulo kay Education Sec. Leonor Briones. Umapela itong i-konsidera ang ilang rekomendasyong batay sa pakikipag-usap ng kanyang tanggapan sa ilang guro.

“Ang pinaka-problema kasi nito, Ka Ely, maraming mga schools, lalo na iyong mga dito sa Manila, ready na. Pero mas marami iyong hindi pa. At iyong nagpapatulong sa atin iyong mga hindi pa talaga handa. Halimbawa, bakit sinasabing hindi pa sila ready? Iyong number one, Ka Ely, sinasabi nila hindi pa nila natatanggap iyong modules nila na noong last meeting ko, parang Biyernes ba iyon o Sabado, parang 17 days before opening.”

“Iyong pangalawa, Ka Ely, iyong pagkabahala sa sarili nilang kalusugan. Iyong tinatanong nila, Ka Ely, “ipapa-test ba kami? Ipapa-medi—mayroon bang medical exam para sa amin?” Hindi klaro. Conflicting din iyong statements ng DepEd. Hindi ko alam kung ano iyong official pero noong pinahayag natin iyon, iyong sagot nila walang budget para sa testing. Iyong sa akin lang, Ka Ely, iyong testing kasi magbibigay ng security sa mga teachers na pagsimula ng duty nila okay sila.”

Bukod sa kinakailangang gamit at testing ng mga guro sa COVID-19, nakasaad din sa naturang liham ang rekomendasyon ni VP Leni para mag-realign ang DepEd ng ilang pondo nito para sa distance learning.

“Maraming nag-post noong kopya noong sulat namin. So hopefully, hopefully gawan ng paraan kasi ang pinaka-problema talaga, Ka Ely, hindi puwedeng iyong sukat ng DepEd, iyong pinakamahusay na paaralan. Hindi puwedeng [iyon] iyong sukat ng kaniyang kahandaan. Dapat iyong sukat niya iyong pinaka-maliit: iyong mga lugar na walang internet connection, iyong mga lugar na wala talagang gamit, papaano sila?”

Umaasa si Robredo na susulitin ng Education department ang extended na panahon para maplantsa ang mga kailangang ihanda bago tumuntong ang pagbubukas ng klase sa October 5.