Kumpiyansa ang OCTA Research Group na mababakunahan ng Pilipinas ang 90 percent ng mga senior citizens sa bansa sa katapusan ng buwan ng Hulyo o sa Agosto.
Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, kung makukuha ng bansa ang inaasahang bakuna ay hindi malabong ngayong buwan o sa Agosto ay mababakunahan ang halos lahat ng mga nakatatanda.
Sa 8.2 million senior citizens na nakapaloob sa master list ng pamahalaan, nasa 2.6 million pa lamang dito ang nabakunahan na ng first dose habang mahigit 915,000 naman ang fully vaccinated.
Sakali mang mabakunahan na ang 90 percent sa target population na ito, sinabi ni David na bababa ang case fatality rate ng bansa.
Pati ang mga mamamatay dahil sa COVID-19 ay inaasahang ding bababa kung sakali.
Sa kasalukuyan, nas 13 million jabs na ang naituturok ng Pilipinas, kung saan 3.5 million katao ang fully vaccinated na kontra COVID-19.
Target ng pamahalaan na madoble ang bilang na ito at gawing 7 million sa katapusan ng kasalukuyang buwan, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.