Pinawi ngayon ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng ilan na isasara sa publiko ang National Kidney Transplant Institute (NKTI) dahil punuan na ito.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, gumagawa na sila ng paraan upang hanapan ng malilipatan na ospital ang mga pasyente na hindi naman kailangan ng emergency service.
Ang sitwasyon umano sa NKTI ay walang kinalaman sa pagtaas ng COVID-19 patients bagkus ito ay dahil sa pagdami ng mga nais sumailalim sa dialysis.
Tumaas din daw ang kaso ng leptospirosis na dinala sa NKTI na naging sanhi para makadagdag sa dami ng mga pasyente.
Sa ngayon, on top of the situation na ang DOH para tulungan ang mga pasyente na mailipat sa ibang pagamutan.
Inatasan na umano ni Vergeire ang Tala Hospital sa Caloocan City, E. Rodriguez Hospital sa Marikina City, at East Avenue Medical Center sa Quezon City para tanggapin ang mga pasyente na manggagaling sa NKTI.