Nanindigan ang OCTA Research group na patuloy silang magsasagawa pa rin ng public opinion researches tulad ng ginawa nilang political surveys sa mga nakalipas na buwan.
Iginiit ni OCTA fellow Prof. Ranjit Rye na malaya ang kanilang grupo na gawin ang anumang pag-aaral na sa tingin nila ay mahalaga para sa publiko.
Hindi lamang aniya limitado ang research na kanilang ginagawa sa nararanasan pa ring COVID-19 pandemic ng bansa.
Wala rin siyang nakikitang contradiction o paglabag sakali mang ipagpatuloy nila ang ginagawa nilang public opinion at COVID-19 research.
Agosto ng kasalukuyang taon nang inilabas ng OCTA ang resulta ng political survey na kanilang isinagawa noong Hulyo, kung saan nanguna sa mga ninanais daw ng publiko para tumakbo sa pagkapangulo sa halalan sa susunod na taon ay si Davao City Mayor Sara Duterte.
Iginiit ni Rye na mahalaga ang mga public opinion research na ito lalo na ngayong mayroong pandemya, at ang pag-aaral na ito ay hindi rin naman ipinagkakait ng demokrasya.
Nagkataon lamang din aniya ang political survey nila na ito na sa susunod na taon ay magdaraos ng national at local elections.