Iniulat ng Office of Civil Defense na patuloy nilang tinututukan ang patuloy na nagaganap na Forest fires sa Benguet.
Ito ay kasabay naman ng pagdaraos ng Fire Prevention Month ngayong taon.
Sa isang pahayag, sinabi ni OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno na sa ngayon ay hindi bababa sa labing tatlong lugar ang apektado ng forest fire sa Benguet.
Lima na rin ang idineklarang fire out ,lima ang under control status, at tatlong lugar ang nasa ilalim pa rin ng firefighting operations.
Aminado ang opisyal na mahirap ang lokasyon ng naturang forest fire dahil hirap silang maaccess ito lalo na ng kanilang mga fire trucks.
Kulang rin aniya sila sa mga kagamitan ng mga responders.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang OCD sa mga eksperto mula sa United States Agency for International Development (USAID) na naghayag ng kanilang kahandaang tumulong sa suppression operations sa forest fire.
Samantala, ngayong Fire Prevention Month, sinabi ng OCD na palalakasin pa nila ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sa iba’t ibang insidente ng sunog.