Itinanggi ng Office of the Civil Defense (OCD) ang inisyung warning galing sa pekeng social media account na may prediksyon sa posibleng pagtama umano ng malakas na lindol sa Cagayan de Oro City.
Ayon sa OCD sa Zamboanga Peninsula (OCD-9), walang inisyu na advisory ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC-9) o OCD-9 Regional Director Ramon Ochotorena sa social media man o sa text messaging.
Iginiit ng ahensiya na kaakibat ng DOST-PHIVOLCS na wala pang teknolohiya sa mundo ang makakapagdetect at makakatiyak kung kailan o saan mangyayari ang isang lindol.
Una rito, nagdulot ng pagkabahala sa mga residente ng Cagayan de Oro City ang kumalat na post sa social media na nagsasabing nag-isyu ang OCD-9 ng warning sa posibleng pagtama ng magitude 7.2 at 6.3 na lindol sa Cagayan de Oro City at Tagoloan town.
Nakalagay din sa naturang post, na maaaring magdulot ng tusnami ang lindol na aabot sa 15 palapag ng gusali.
Sa kabila nito, patuloy naman ang paghikayat sa publiko na maging handa sa anumang oras kung sakaling mangyari ang pagyanig o anumang sakuna.