Aminado ang National Water Resources Board (NWRB) na malaking tulong para sa mga apektado ng problema sa water supply ang panukalang pag-igib ng tubig mula sa mga lugar na hindi apektado ng aberya.
Ayon kay NWRB executive director Sevillo David palaisipin lang para sa kanila kung paano isasalin ang supply ng tubig mula sa target areas na Bulacan, Cavite at Laguna patungo sa sistema ng tubig sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng Oversight Committee ng Kamara nitong Martes, iminungkahi ni Local Water Utilities Administration (LWUA) acting administrator Jeci Lapus ang panukala dahil hindi naman daw kalakasan ang water consumption ng nabanggit na mga lugar.
Pero ani David, pansamantala o short term solution lang ang panukala kaya naka-depende pa rin daw sila sa pangmatagalang solusyon gaya ng pagtatayo ng mga bagong dam.
Sa naturang hearing inamin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pagkukulang ng ahensya sa paghahanap ng iba pang water resources sa oras ng krisis.
Batay sa huling monitoring ng Pagasa, bumaba pa sa 158.77-meters ang water level sa Angat Dam na siyang ginagamit na tubig ng buong Metro Manila.
Kaugnay nito, nagbabala ang Maynilad at Manila Water hinggil sa posibilidad na abutin ng hanggang katapusan ng Agosto ang problema sa tubig kung hindi agad babalik sa normal ang supply nito sa Angat Dam.