Hindi sang-ayon ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa itinakda ng pamahalaan na bagong requirement para sa mga estudyante sa kolehiyo bago mapahintulutan ang mga ito na makilahok sa face-to-face classes sa bansa.
Ito ay matapos na itakda ng pamahalaan na kinakailangan na rin na mag-enroll ng sariling PhilHealth coverage ang mga mag-aaral sa kolehiyo na may edad na 21 pataas na nagnanais na makiisa sa in-person classes sa Pilipinas sa gitna ng pandemya.
Ayon kay NUSP National President Jandeil Roperos, hindi dapat na ipinapasa ng gobyerno sa mga estudyante ang pasanin nito sa health insurance.
Sa halip daw kasi na magiging accessible para sa lahat ang transition ng face-to-face classes ay magkakaroon pa ng ganitong klase na additional requirements.
Sa halip daw kasi na gampanan ng pamahalaan ang tungkulin nito na magbigay ng libreng medical treatment sa mga magpopositibo ay tila ipinapasa pa raw nito sa mga mag-aaral ang financial burden nito sa pagkuha ng PhilHealth dahil may kaukulang bayad daw kasi ang ang pagkuha sa mga kinakailangang requirements para dito tulad na lamang ng mga barangay certificate for indigency, medical certificate, at iba.
Samantala, matatandaan na una na itong dinepensahan ng PhilHealth at sinabing sumusunod lamang daw sila sa nilagdaang utos ng Department of Health (DOH) at Commission on Higher Education (CHED).
Bukod dito ay sinasabi rin nito na para rin daw naman ito sa pansariling proteksyon ng mga mag-aaral.
Nakasaad sa ilalim ng Universal Health Care na lahat ng mga Pilipinong miyembro ng PhilHealth ay maaaring makinabang sa mga benepisyo nito tulad ng hospitalization benefit, COVID-19 benefit, at maging ang death benefit.