-- Advertisements --

Todo pa rin ang pag-alma ng ilang grupong naghain ng aplikasyon matapos tuluyan nang ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang mga aplikasyon bilang party-list group.

Pero ayon kay Comele Commissioner Rowena Guanzon, ang mga applications for accreditation ng ilang grupo lalo na ang Nurses United, Ladlad at iba pang party-list groups ay tinanggal na ng komisyon dahil umano sa ilang depekto.

Nag-isyu si Guanzon ng statement isang araw matapos isagawa ang raffle para sa pagkakasunod-sunod ng mga kuwalipikadong party-list groups sa balota para sa 2022 elections.

Ayon sa commissioner, karaniwan daw na defect ang kakulangan ng consent ng lahat ng mga miyembro, walang manifestation of intent para makilahok sa susunod na halalan.

Tinanggal din umano ng Comelec ang 1 TESDA party-list dahil pangalan ito ng isang ahensiya ng pamahalaan, ang echnical Education and Skills Development Authority.

Dagdag ni Guanzon, ang TESDA raw mismo ay tutol din sa naturang binuong party-list.

Kabuuang 166 party-list groups ang naghahangad na magkaroon ng upuan sa House of Representatives sa national at local elections sa susunod na taon.

Nasa 107 party-list naman ang naghain ng motion for reconsideration na kinalaunan ay ibinasura rin ng komisyon.

Dahil sa dami ng pagpipilian, kailangan umanong paalalahanan ng Electoral Board ang mga botante na ang party-list groups ay nakalista sa likurang bahagi ng balota.

Aniya, sa 166 na party-list group, isa lamang ang dapat piliin dito ng isang botante.