-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi itinanggi ng National Union of People Laywers (NUPL) na minsan na rin naging kabahagi ng kanilang pakikibaka at mga isinusulong si Atty. Hanna Jay Cesista na kabilang sa napaslang ng government forces sa bayan ng Bilar,Bohol noong Pebrero nitong taon.

Ang mariing itinanggi lang ng grupo ay ang panggigiit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na may direkta umano silang ugnayan sa kilusan ng CPP-NPA.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni NUPL President Atty Ephraim Cortez na walang basehan ang akusasyon ng task force patungkol sa mga isyu na isinusulong nila ng marami ng taon.

Sinabi ni Cortez na totoong naging kalihim-heneral din nila si Cesista sa NUPL Cebu Law Student Chapter.

Subalit iginiit nito na kung pumasok man umano sa kilusang armado si Hanna ay hindi na nila kontrol ang desisyon nito.

Dagdag ng grupo na bagamat hindi na sila nabigla sa red tagging claim ng task force subalit matagal na umanong walang patunay rito ang taga-gobyerno.