-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Naging inspirasyon ng number 3 sa katatapos ng Midwife Licensure Board Exam ang kahirapan sa buhay upang magpursiging makatapos ng pag-aaral.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Bb. April Toledo Tabios, residente ng Villaverde, Nueva Vizcaya at nagtapos ng kursong Midwifery sa University of The Philippines Manila School of Health Sciences Extension Campus sa Baler, Aurora na halos hindi siya makapaniwala napabiling sa Top-10 kaya sobrang saya ang kanyang naramdaman.

Ginawa anya niya ang lahat ng makakaya para pumasa sa pagsusulit at inasam na lamang niyang makapasa.

Sinabi ni Bb. Tabios na ipinanganak siya sa mahirap na pamilya kayat nagpursige siyang mag-aral.

Noong pumasok siya sa U.P. ay hinikayat siya ng kanyang ina na huwag nang tumuloy dahil wala siyang pang-allowance na gagastusin ngunit nilakasan niya ang loob at itinuloy ang pag-aaral.

Malaking tulong anya sa kanya ang pagiging schoolar ng Department of Health (DOH) na nagbigay sa kanya ng allowance.

Hinihintay na lamang niya ang trabaho na ipagkakaloob ng DOH batay sa kanyang nilagdaan na kasunduan bilang isang iskolar ng kagawaran.

Nanawagan si Bb Tabios sa mga mag-aaral pangunahin na ang mga ipinanganak na mahirap na huwag gawing hadlang ang kahirapan na hindi mag-aral bagkus gawin itong inspirasyon upang makatapos ng pag-aaral at gumanda ang buhay.