CAUAYAN CITY – Planong magtayo ng sariling dental clinic ang Doktor na nagtapos bilang number 10 sa Dentist Licensure Examination na tubong Ilagan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Shaira Cabalongga, number 10 sa katatapos na Dentist Licensure Examination na isinagawa noong buwan ng Enero, sinabi niya na halos dalawang taon siyang naghintay para sa muling pag-resume ng board exams matapos itong maantala ng ilang beses.
Aniya, nakaapekto sa kanya ang ilang beses na pagpapaliban sa kanilang pagsusulit subalit sa halip na panghinaan ng loob ay mas pinaghandaan niya na lamang ang board exam.
Sa kasagsagan ng kanilang review ay hindi maikakaila na marami ang matatalino na maaari niyang maging kakompitensiya.
Hindi anya niya inasam na mapabilang sa Topnatchers at tanging nais lamang ay pumasa.
Subalit nang lumabas ang resulta ay labis ang kanyang pagkabigla at saya ng makitang isa siya sa mga Topnatchers .
Pag-amin niya na hindi talaga pagiging dentista ang kaniyang pangarap na kurso at nagkataon lamang na ito ang kanyang napili ng minsan itong imungkahi sa kaniya ng dentistang kaibigan ng kanyang ina habang pumipili siya ng unibersidad na mapapasukan para sa kolehiyo.
Payo niya sa mga magulang na nais na maging dentista ang kanilang mga anak na mahalaga sa ganitong kurso ang pagkakaroon ng tiyaga, gayundin na pangunahing kalaban ng mga magulang ang usaping pinansiyal suballit hindi ito dapat maging hadlang at sikaping magpatuloy hanggang makapagtapos.










