BOMBO DAGUPAN- Kinokondena ng National Union of Journalist of the Philippines ang ika-4 na kaso ng pagpaslang sa isang mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Len Olea, secretary-general ng nasabing Union, naging patunay ang pagpaslang kay Juan Jomalon o kilala bilang DJ Johnny Walker ang ‘culture of impunity’ kung saan deka-dekada nang walang pananagutan sa mga pumapaslang sa mga mamamahayag.
Kaya naman, nananawagan sila sa ahensya ng gobyerno partikular na sa PNP ng agarang pagresolba sa kaso.
Sinabi din ni Olea na kanilang susubaybayan ang imbestigasyon upang mapag alaman din kung katulad ba ito sa kaso ni Percival Mabasa na kinasangkutan umano ng malaking tao ang pagpaslang sa kaniya.
Dagdag pa nito, hindi dapat natatapos sa pag alam lamang ng pagkakakilanlan ng mga salarin kundi dapat lamang mapanagot ang mga ito
Samantala, maliban dito, karagdagang takot umano sa seguridad ng mga media personel ang mga nararanasan ding panghaharass mula sa mga kapulisan partikular ang walang abisong Police Visit sa tahanan ng mga mamamahayag kung saan para ito umano sa seguridad ng mga media.
Kaya hiling ng union ang “rule of law” para sa mga media upang magampanan nila ang kanilang trabaho ng walang pangamba at takot.
Pakiusap naman ni Olea sa publiko na kakampi ng mga ito ang media at handang maglingkod ng tapat at totoo para sa kanila.