-- Advertisements --

Dapat na rin daw suspendihin ng social media platforms na Facebook at Twitter ang accounts ng mga komunistang lider tulad ng ginawa nito sa social media accounts ni US President Donald Trump.

Ito ang naging pahayag ng Legal Cooperation Cluster ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Nanawagan ito sa mga nasabing social media platforms na i-apply din ang parehong standards laban sa mga accounts ng mga liders at opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ang mga ganitong uri raw ng terorista ay nagdudulot ng kapahamakan sa ordinaryong pamumuhay ng mga Pilipino.

Subalit hindi raw tulad ni Trump, ang CPP-NPA at maging ang National Democratic Front (NDF) ay hindi umano nagpapanggap na isang mapayapang grupo.

Dagdag pa ng NTF-ELCAC, batid nina Mark Zuckerberg at Jack Dorsey na walang lugar sa mundo ang anumang uri ng karahasan.