Aminado ang National Telecommunications Commission (NTC) na hirap silang matunton ang mga taong nasa likod nang influx ng phishing text messages gayong prepaid numbers ang ginagamit ng mga suspek.
Ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, unregistered prepaid numbers ang ginagamit ng mga taong nasa likod ng phishing text messages na ito.
Ito ang dahilan kung bakit hirap aniya silang matunton ang naturang mga indibidwal dahil hindi ito katulad ng sa postpaid numbers kung saan mayroong database ang mga telecommunication firms ng kanilang mga kliyente.
Kaya naman pabor aniya sila na magkaroon na ng mandatory SIM card registration para maiwasan na rin ang mga text scams na katulad nito pati na rin ng iba pang cybercrimes.
Matagal na aniya siyang sumusuporta rito, simula pa noong nasa 2 million pa lamang ang mobile subscribers sa bansa.
Sa ngayon, lumobo na ng tuluyan sa 150 million ang bilang ng mga mobile subscribers sa pilipinas, kung saan 3 percent lamang dito ang postpaid.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 176, na kasalukuyang pending sa Senado, isinusulong ang pag-require sa mga end users ng prepaid SIM cards na magpakita ng valid ID at litrato at lumagda sa isang control-numbered registration form mula sa service provider ng biniling SIM card.
Kamakailan lang, napabalita na maraming mga mobile subscribers ang nakatanggap ng spam text messages mula sa mga hindi kilalang numero para sila ay i-recruit na sa mga kahina-hinalang trabaho na mayroong kaakibat na malaking sahot.
Base sa imbestigasyon naman ng National Privacy Commission, natukoy na isang global organized syndicate ang nasa likod ng influx ng spam text messages na ito.