Pinakikilos ng mga senador ang National Telecommunications Commission (NTC) para takdaan ng angkop na internet speed ang mga telecommunications company sa bansa.
Batay sa Senate Bill 471 ni Sen. Ralph Recto, kailangang mabigyan ng katiyakan ng mga telco na hindi ito aabot sa mas mababa pa sa minimum standard.
Para naman kay Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe, napapanahon ang pagtatalaga ng threshold, lalo’t magsisimula na ang home schooling ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ngayon pa nga lang nagiging pahirapan na ang pagkonekta sa internet ng mga nais sumali sa online seminars at may mga pagkakataong pati ang Senate hearings ay putol-putol dahil hindi maayos ang linya ng ilang resource person.
Nangangamba si Poe na maapektuhan ang kalidad ng edukasyon kapag nagsimula na ang home studies dahil kahit ang simpleng email ay hindi maayos na mai-download ng mga guro at estudyante.










