Wala pang nakikitang indikasyon ang National Security Council na may planong magtayo ng artificial islands ang China sa Julian Felipe Reef na nasasakupan din ng West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa kabila ng mga ulat na may namataan nanamang kumpulan ng mga barko ng China sa naturang lugar.
Pag-amin ni Malaya, kadalasang nagiging hudyat ng pagsisimula ng pagtatayo ng China ng mga artificial island sa isang lugar sa tuwing nakukumpulan ang mga barko ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa isang lugar.
Ngunit sa ngayon ay nilinaw na wala pa namang indikasyon ng ganiton aksyon ng nasabing bansa.
Samantala, kasabay nito ay muling binigyang-diin ni Malaya na sa oras na magtayo ng artificial island ang China sa naturang lugar ay ito ay maituturing na malinaw na paglabag ng nasabing bansa United Nations Convention on the Law of the Sea, gayundin sa soberanya ng Pilipinas.