-- Advertisements --

Pinabulaanan ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na humingi ng permiso ang panig ng Pilipinas mula sa China o nangako kapalit ng matagumpay na rotation and reprovisioning mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Inulit din ni Malaya ang sinabi ng DFA na ito ay misrepresentation ng katotohanan. Aniya, walang nangyaring pagsampa, inspeksyon, at wala ding nangyaring pagpapaalam sa China.

Ginawa ni Malaya ang pahayag bilang tugon sa claim ng China na humingi umano ng pahintulot ang gobyerno ng Pilipinas sa Beijing para makapasok sa Ayungin Shoal.

Inihayag din ng opisyal na naihatid ng RoRe mission team ang suplay ng mga tauhan ng Navy na nagbabantay sa barko at matagumpay ding naisagawa ang rotation ng mga tropang Pilipino.

Wala din aniyang untoward incident, walang mapanganib na maniobra, walang water cannon, walang laser incident at walang ramming o banggaang nangyari.

Mapayapang naisagawa ang RoRe sa kabila ng presensiya ng 4 na barko ng Chinese Coast Guard at 3 barko ng People’s Liberation Army at 2 Chinese maritime militia sa lugar.

Napanatili ng Chinese vessels ang kanilang distansya at pinabayaan nilang maglayag ng maayos ang RoRe mission team ng PH.

Iniugnay naman ni Malaya ang tagumpay ng mapayapang RORe noong nakaraang Sabado sa bagong negosasyon o kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at China kamakailan.