Nagbabala ang North Korea sa Amerika na anumang hakbang para pabagsakin ang isa sa kanilang missile tests ay maikokonsidera bilang deklarasyon ng giyera.
Ginawa ni Kim Yo Jong, ang makapangyarihang kapatid ni North Korean leader Kim Jong Un ang naturang babala at nagpahiwatig pa sa posibilidad ng paglulunsad ng mas marami pang missiles ng North Kore sa Pacific Ocean.
Bagamat wala pang insidente na pinabagsak ng US at ng kaalyado nito ang ballistic missiles na inilunsad ng North Korea sa kabila ng pagbabawal ng United Nations Security Council, muling kinuwestyon ang missile test ng North Korea kasabay ng nakaambang pagpapakawala ng missile test sa katubigan ng Japan.
Sa hiwalay na pahayag, inakusahan ng North Korean Foreign Ministry official ang Amerika sa pagpapalala ng sitwasyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng air drill kung saan nag-deploy ng B-52 bomber noong Lunes at planong joint military exercise sa pagitan ng Estados unidos at South Korea
Tinawag naman ng South Korea defense ministry ang pag-deploy ng US ng B-52 bomber para sa joint drill kasama ang fighter jets ng South Korea bilang show of force laban sa nuclear at missile threats ng North Korea.
Simula naman sa susunod na linggo magsasagawa ang South Korea at US ng mahigit 10 araw na large-scale military exercises na kilala bilang “Freedom Shield” drills.