-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Lalo pang pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang kampanya kontra nakamamatay na rabies sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng anti-rabies vaccine.

Kaugnay nito, abot sa 2,158 mga alagang aso, pusa, at unggoy ang nabakunahan kamakailan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVet).

Partikular na tinungo ng mga kawani ng OPVet ang La Esperanza, Tulunan; Grebona, Baguer, at Ulamian sa Libungan; at Bangbang at Dalapitan sa Matalam.

Noong nakaraang buwan, abot naman sa 2,709 na mga aso at pusa ang nabakunahan din ng anti-rabies.

Ang mga ito ay mula sa Barangay Poblacion sa Tulunan at Barangay Dualing sa Aleosan. Maliban dito, nagsagawa din ang mga kawani ng OPVet ng castration at spaying sa 32 aso at pusa sa Barangay San Mateo sa Aleosan.

Layon ng libreng pagbabakuna na masigurong ligtas laban sa rabies ang mamamayan sa probinsya.

Samantala, maliban sa pagbabakuna, patuloy din ang OPVet sa pagsasagawa ng animal disease monitoring and surveillance sa mga babuyan.

Ito ay sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga blood sample bilang mekanismo upang maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever Virus.