KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ng assessment ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRM) ng Tulunan, North Cotabato, kung saan nakapagtala na ng danyos sa ilang mga gusali sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Engr. Ernie Diaz, MDRRM Officer ng Tulunan, may mga nasirang simbahan, bahay at paaralan sa Barangay Magbok at Daig matapos ang magnitude 5.6 na lindol.
Dagdag pa nito na dahil may mga bitak ang paaralan ay nagpasya na rin silang kanselahin ang klase sa lahat ng lebel upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Napag-alaman na malapit lamang ang Tulunan sa bayan ng Makilala na siyang epicenter ng pagyanig.
Samantala, kaninang umaga lamang nag-evacuate ang mga empleyado ng North Cotabato Provincial Capitol pati ang ilang mga estudyante sa bayan ng M’lang, North Cotabato dahil sa muli na namang pagyanig.