-- Advertisements --

Tinanggihan muna ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang nominasyon sa kanya ni dating Sandiganbayan Justice Raoul Victorino bilang susunod na associate justice ng Korte Suprema.

Ayon kay Guevarra, bagamat isa umano sa kanyang ikinokonsidera noong 2016 ay mag-apply bilang associate justice ng Korte Suprema pero mahal pa rin daw niya ng kanyang trabaho bilang kalihim ng Department of Justice (DoJ).

Gayunman, bukas pa rin naman daw ito sa posibilidad na mag-apply na associate justice ng Korte Suprema.

Paliwanag niya, marami pa raw itong inaasikaso sa DoJ at kailangan niya itong tapusin bago buksan ang susunod na oportunidad.

Ngayong araw ang huling araw ng paghahain ng requirements sa Judicial and Bar Council (JBC) para sa mga nagnanais maging associate justice ng SC.

Ang associate justice post ay para sa nakabanteng puwesto ni dating Justice Diosdado Peralta na ngayon ay chief justice na ng Supreme Court (SC).

Noong nakaraang linggo nang nagpadala ng liham si Victorino sa JBC para iendorso si Guevarra.

Sinabi nitong panahon na para mailuklok sa kataas-taasang hukuman si Guevarra na subok na ang kakayahan, integridad at pagiging patas.

Tinukoy din ni Victorino ang magandang track record ng kalihim sa government service lalo na’t ito ay naging Second Honor sa Ateneo College of Law at 2nd placer sa 1985 Bar examinations.

Si Sec. Guevarra ay 65 years old at siya ay mula sa Malhacan, Meycauayan, Bulacan.