Ngayon pa lamang todo na ang paghahanda ng mga otoridad ng bansa sa mga paliparan dahil sa inasahang pagbuhos ng mga pasahero habang nalalapit ang buwan ng disyembre.
Dahil dito pinayuhan ni Civil Aeronautics Board deputy executive director Maria Elben Moro ang mga biyahero na agahan na rin ang pagbili ng mga tickets at wag kakalimutan ang mga safety precautions lalo na sa pag-iingat sa COVID-19.
Isa rin aniya sa bentahe ng maagang pagbili ng mga tickets ay baka meron pang mga promos sa mas mababang presyo ng mga airline tickets.
Iniulat naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) na noong buwan ng Agosto ang total monthly passenger traffic sa pangunahing gateway ng Pilipinas ay umabot na sa 3 million passengers o 77 percent kung ikukumapra sa pre-pandemic level.
Ang domestic traffic naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay umabot na rin sa 109 percent o 1.94 million passengers kumpara sa parehong period noong taong 2019 o bago ang pandemya.
Pagdating naman sa international passenger traffic, nananatili pa rin sa 50 percent kumpara sa pre-pandemic level, o nasa 1.06 million passengers.
Naniwala ang mga otoridad sa NAIA na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasahero ay dahil sa pagiging kumpiyansa nila bunsod ng tuloy tuloy din na vaccination program ng gobynero.
Una nang nagpulong ang mga MIAA management, airlines, at iba pang mga aviation stakeholders upang paghandaan ng husto ang papalapit na holiday season.