CAUAYAN CITY – Muling nagbabala ang NIA-MARIIS sa publiko pangunahin na sa mga magulang na ingatan at subaybayan ang kanilang mga anak matapos muling makapagtala ng pagkalunod sa kanilang irrigation canal na nasasakupan ng Daramuangan Norte, San Mateo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Jaime Lara Engineering and Operations Manager ng NIA, sinabi niya na patuloy silang nagpapaalaala sa mga magulang na subaybayan ang kanilang mga anak dahil hindi naiiwasan ang aksidente o insidente ng pagkalunod sa mga irrigation canal lalo na at patuloy silang nagpapatubig sa mga sakahan.
Upang matugunan at kahit papaano ay maiwasan na ang insidente ng pagkalunod sa mga irigasyon na pinamamahalaan ng NIA-MARIIS ay pinag-aaralan na ang paglalagay ng bakod sa mga prone areas.
Hinihimok din ng NIA ang mga magulang na makipagtulungan para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga maliliit na anak.
Kung matatandaan noong Biyernes ay naiulat ang pagkalunod ni Nathaniel Calingasan, 5-anyos na residente ng Purok 4, Daramuangan Norte, San Mateo, Isabela kung saan hinihinalang galing ito sa paaralan at kakauwi lamang sa kanilang bahay ng magtampisaw sa irigasyon at tuluyang nahulog.
Kahapon ng umaga ng matagpuan ang bangkay ng bata sa irigasyon sa bahagi ng Marasat Pequeño, San Mateo, Isabela.