Muling nag-abiso ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa posibleng panibagong power outage sa Panay dahil sa hindi pa nareresolbang mga isyu sa malalaking power plants na nagsusuplay ng kuryente sa lugar.
Ang abiso ng ahensiya ay kasunod ng unscheduled manual load dropping na nagresulta sa power outage sa Negros at Panay sub-grid nitong gabi ng Miyerkules.
Ayon kay NGCP spokesperson Cynthia Alabanza, ang mga hindi nareresolbang isyu sa iba pang 3 malalaking planta na nagsusuplay ng kuryente sa Panay ay nagdulot ng major power outage sa isla noong Enero 2 ay maaaring magdulot nanaman ng panibagong rotational brownout.
Paliwanag pa ng opisyal na maaga pa lamang nagbibigay na sila ng abiso para mapaghanda ang mga maapektuhang residente.
Una rito, nangyari ang brownout sa Negros at Panay sub-grid dakong 6:48 pm nitong miyerkules matapos ang unplanned manual load dropping sa Panay Energy Development Corporation Unit 3 bandang 6:44 pm.
Saad naman ng NGCP para mapreserba nag integridad ng transmission system, nagpatupad ang NGCP ng manual load dropping.
Naibalik naman ang suplay ng kuryente sa mga apektadong electric cooperatives at distribution utilities dakong 7:07 pm nitong miyerkules.










