WELLINGTON – Muling nakapagtala ang bansang New Zealand ng coronavirus case matapos ang dalawang buwan na walang naire-report na tinamaan ng sakit.
Batay sa ulat ng Health Ministry, isang 56-anyos na babaeng galing Europe ang nag-test positive matapos ang 10-araw na isolation.
Agad nagpatupad ng contact tracing ang pamahalaan matapos bumiyahe ang babae at kanyang asawa sa hilagang bahagi ng Auckland.
“We don’t know the origin or the strain of the infection,” ani Health Minister Chris Hipkins.
Ayon sa report ng tanggapan, noong December 30 dumating ng New Zealand ang nasabing COVID-19 case matapos ang apat na buwang pamamalagi sa Spain at the Netherlands.
Nitong January 13 naman nang ma-discharge siya sa quarantine sa isang hotel.
Pinayuhan na ang lahat ng naka-isolate sa naturang hotel na mag-self isolate at magpa-test muli sa COVID-19.
Magugunitang November 18, 2020 pa nang huling makapagtala ng coronavirus case ang New Zealand.
Napanatili ng pamahalaan ang mababang bilang ng infections na aabot lang sa 1,927. Mula sa kanila, 25 ang binawian ng buhay. (report from Agence France-Presse)