-- Advertisements --

Tila mahihirapan pa rin na bumangon ang ekonomiya ng Estados Unidos sa kabila ng halos dalawang buwan na ginagawa nitong hakbang upang mabigyan ng trabaho ang mga American nationals na nawalan ng hanapbuhay dahil sa coronavirus pandemic.

Ito’y dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa Amerika kada araw.

Sa nakalap na high-frequency data mg Federal Reserve officials, economists, cellphone tracking companies at employee time management firms, nabatid ng mga ito na bahagyang bumagal ang job activities nitong mga nagdaang araw.

Marahil daw ay sanhi ito ng pagmamadali ng US government na buksan ang kanilang ekonomiya sa kabila ng nananatiling banta ng deadly virus.

Naitala sa buwan ng Hunyo ang karagdagang 4.8 milyong trabaho na naipamahagi sa mga Amerikano makaraang muling payagan na magbukas ang mga bars, restaurants at iba pang uri ng hospitality industry companies.

Subalit base sa iba pang datos na nakuha ng mga eksperto ay bigla umanong nag-iba ang direksyon ng ekonomiya ng bansa. Ang buwan daw kasi ng Hulyo ang magsisilbing basehan kung ang record growth ng coronavirus cases ay kayang pangasiwaan ng bansa na hindi kakailanganin ng pagpapatupad ng lockdown.

Bumawi naman ang payroll ng halos 2.6 million matapos ang makasaysayang pagbagsak nito ng 20.787 million noong Abril.