Sampung ektarya ng lupa sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang inilaan para sa produksyon ng gulay.
Sa isang pahayag, sinabi ng BuCor na ang lupain na binuo sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture ay magpapalaki sa produksyon ng agrikultura sa loob ng NBP kung saan ang mga persons deprived of liberty (PDLs) ay inatasan na magtanim ng mga gulay.
Ang NBP ay mayroong 200 ektarya ng bakanteng lupa sa 375.61 hectare reservation nito.
Kamakailan ay sinabi ng BuCor na nagbukas ito ng isa pang Kadiwa Pop-up Store sa NBP bilang birthday gift ng bureau at ng DA kay Pangulong Marcos na nagdiwang ng kanyang ika-66 na kaarawan.
Ang Kadiwa ay isang marketing initiative ng DA, na ipinatupad sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance (AMAS), na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang komunidad ng pagsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng direkta at epektibong farm-to-consumer food supply chain.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang ibang mga gulay na binibenta sa mga Kadiwa ay itinanim ng ilang mga persons deprived of liberty ng piitan.
Bukod sa pagtatanim ng gulay, nauna nang ibinunyag ni Catapang na ilulunsad ang Pambansang Bagsakan ng Bigas para sa Mamamayan (PBBM) sa NBP sa Oktubre.