BACOLOD CITY – Pagkagalak ang naramdaman ni Aiba Women’s World Boxing Championships 2019 Champion Nesthy Petecio na nakasama siya ni Senator Manny Pacquiao bilang torch bearer sa naganap ng opening ceremony ng Southeast Asian (SEA) Games 2019.

Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Petecio, sobrang “honored” aniya siya dahil bihira lang ang pagkakataong makasama ang Pinoy ring icon lalo na sa napakalaking okasyon.

“Sobrang honored para sa akin po. Syempre, bihira lang po ‘yong taong makakasama kay Sen. Manny sa ganoong sitwasyon bilang torch bearer pa po so sobrang honored po ako at blessed sobra po,” saad nito.

Si Petecio ay kabilang din sa mga atletang Pinoy na sasabak naman sa larangan ng boxing.

Kung maaalala, ang SEA Games 2019 opening kagabi ay tila naging selebrasyon ng Philippine pop culture na nilahukan ng mga Pinoy prides sa larangan ng sports, beauty pageants at entertainment.